Miyerkules, Abril 24, 2013

Sugal

"Ang love parang sugal; minsan talo, minsan panalo. Minsan tiba-tiba, minsan bawi lang."


Sa aming dalawa, kung sa sugal, masasabi kong ako yung naka-bawi. Minsan nga bawing bawi pa. Sa aking palagay, ako yung naka-Jackpot. At siya naman, nakikipagsugalan pa rin hanggang ngayon.


Noong una, ang nagustuhan ko sa kanya ay yung perpekto nyang ilong, yung maganda nyang mukha. Noong una, wala naman akong ibang binigyang halaga, kundi ito lang. Hanggang sa nakita ko iyong kakaibang aura nya. Isang masayahing tao, palangiti. Hindi ko naman akalain na lalalim pa pagkakakilala ko sa kanya ng higit pa sa inaakala ko.



Napakaswerte ko. Kung baga, complete package sya na natanggap ko. Sa pagdaan ng mga araw, lalo ko syang nagugustuhan. hindi sya nakakasawang kasama. Para syang batang ang sarap kulitin, asarin. Hindi sya marunong mapikon, lalo na ang magalit. Nakakatuwa dahil sobrang barkada ko siya. Asaran, bugbugan, biruan, talagang masasabi kong yung panahon tuwing magkasama kami ay "quality time." Kahit kailan ay hindi ko naramdaman na nag-iisa ako, na least priority ako. Kahit na ang dami-daming mas importanteng bagay na kailangan nya asikasuhin, kahit kailan ay hindi siya nawalan ng oras sa akin. Lahat ng attensyon na hahanapin ng isang babae ay kaya nyang ibigay. Siguro kung malalaman ng iba kung gaano sya kabuti, at kung paano nya ko pahalagahan ay maraming babaeng mamatay-matay sa inggit sa akin dahil sa akin niya ito inilalaan. Minsan nga nasasabi ko, nasa kanya nang lahat ng hinahanap ko.


Sa nagdaan kong relasyon, ayaw ko maghanap, pero maraming kulang. dahil kahit anong pigil ko na wag maghanap, nararamdaman ko ito. Kasi hindi naman sa lahat ng oras, kaya ko intindihin at tanggapin na lang. Marunong din ako mapagod, masawa. Swerte ko lang dahil siya ang nagpunan ng lahat ng kulang. Siya yung taong nandiyan para sa akin, na hindi napapagod magturo kahit na sakit ako ng ulo. Sa halip na mainis at magalit, tatawa siya at uulitin lahat hanggang sa matutunan ko. Alam nya pahalagahan ang nararamdaman ko. alam nya igalang ang desisyon ko. Alam niya timbangin ang mga salitang bibitawan niya sa akin. Siya yung taong itinuturing akong prinsesa; halos gawin nya na nga akong tamad sa sobrang pag-aasikaso sakin. Sobrang dali niyang lapitan; at kahit kailan na kailanganin ko siya, andiyan siya mabilis pa sa alas singko, nanginginig pa! Wala ako masabi sa kanya kundi puro kabaitan. Nakakahanga lang dahil mayroon pa rin pa lang mga lalaking katulad niya.


Pero alam mo ang pinanagustuhan ko sa kanya? Hinahayaan nya akong maging "ako". Kahit kailan hindi nya ko dinemand na magbago, na maging ibang tao. Kahit anong bagay na gusto ko, o mga oportunidad sa buhay ko, siya yung tipo ng taong sususportahan ako. Hindi niya ako pipigilan dahil lang sa ayaw niya, sa halip ay susuportahan niya ako dahil alam niyang kaya ko, dahil mahal niya ako. Ito yung pagmamahal na noon ko pa gusto maramdaman, at siya ang nagparamdam sa akin. 

Naalala ko yung pagkakataon na nagpahula sya. Ang ganda ng kinalabasan noong tungkol sa amin. Ang pagkakalarawan pa nga niya ay "perfect" pa. Pero sa akin naman, hindi ako naniniwala sa hula. Dahil kapag naniwala ka doon, may pagkakataon na sundin mo iyon dahil sa pag-aakala mo, iyon na talaga ang kapalaran mo. "Tadhana", yan iyong bagay na pinaniniwalaan ko. Kasali ang dasal ko. Dahil humingi ako sa Diyos ng isang bagay na makakapagpatunay na ang lalaki ngang iyon ang para sa akin. Pero ang sinabi niyang nakapagpatunaw sa puso ko, "loveyou tabs.. kahit againts satin un hula.. bastat alam ko mahal mo ako.. gagawin ko lahat para hindi tau maghiwalay". Ang mga katagang nagbigay ng assurance na ipaglalaban niya ako kung maitutuloy ang yugto namin.


Pero sa ngayon, ayaw ko pa sanang ituloy ito. Dahil hindi pa ako sigurado. Dahil wala akong tiwala sa sarili ko. At dahil aalis na ako. Kailangan ng panahon para magmahal. Pero sa ngayon ay "space" ang kailangan ko. Takot ako hanap-hanapin ang pagkalinga, ang mga yakap, ang mga pisikal na bagay na alam kong hindi ko mahahawakan kapag malayo na ako. Dahil ako, sa loob ng maraming linggo ay nagsanay nang dumistansya, na wag maghanap ng pisikal, o kahit anong mensaheng matatanggap ko. Dahil gusto kong maging malakas, wag masyadong mag-alala, at tamang sabihin na ayaw ko pa talaga magcommit. Kailangan ko ng pahinga sa ganoong bagay. Ang kailangan ko lang ngayon ay kaibigan, dahil ayaw kong pahalagahan ang anumang espesyal na pagtrato na ibibigay sa akin ngayon. Dahil pag pinahalagahan ko iyon, ako lang din naman ang mahihirapan kapag nahulog ako. Dahil kilala ko ang sarili ko, iyakin, mahina. Masyadong lapitin sa depresyon kapag hindi ko na kaya.


Naalala ko ang isang pangyayaring humingi ako sa kanya ng permiso sa pagpunta sa isang lugar, kasama ang isang lalaking naging bahagi rin ng buhay ko. Alam kong nagkamali ako, ngunit huli na nung naisip ko ito. Mali na humingi ako sa kanya ng permiso, dahil ako itong ayaw magpatali, ayaw pangibabawan ng iba ang aking desisyon. At mali pa rin ako, dahil sa pagtatanong kong iyon, may tao pala akong napaasa, dahil sa naisip niyang kinokonsidera ko ang desisyon niya, pero hindi ko pa rin nasunod. Maswerte pa rin ako dahil mayroon siyang pusong mapagpatawad. Sa paghingi ko ng dispensa ay agad niya itong ibinigay. At sa mga pagkukulang ko pa at marami pang pagkakamali, sana ay mapatawad pa rin niya ako. Sa lahat ng ito, gusto ko humingi ng dispensa at kapatawaran, ng paulit-ulit. Mali, dahil napaasa ko ang isang taong hindi ko pa naman pa talaga kayang panindigan.

Alam kong hindi ito magiging madali sa aming dalawa, kung hindi kami handa. Sa ngayon ay malapit na ko maging handa, kaunti na lang. Alam kong sa ngayon ay malakas na ako. At sa ngayon, kailangan na din niya maging handa. Alam naman niya iyon. Ang sabi ko nga "kung tayo, tayo". Pero ayaw ko sana umasa siya. Dahil alam naman natin lahat kung gaano ang dulot na sakit ng expectations. Bata pa kami, marami pang mangyayari. At sa mga mangyayari pa, ang kailangan ay kahandaan. Sabi ko nga sa kanya "Kapag may nakilala ka, at gusto nyo ang isa't-isa, piliin mo siya, dahil walang kasiguraduhang relasyon ang maibibgay ko sa'yo". Sana, kahit mahirap, maintindihan niya na gusto ko muna umiwas ng kaunti.


Sobra sobra ang pagpapasalamat ko sa pagiging bahagi niya ng buhay ko; sa pagbabahagi ng kanyang sarili. Sa kanya, marami akong natutunan, marami akong narealize, at alam kong umunlad ako bilang indibidwal. Lahat ng ngiti, tawa, lungkot at saya na naramdaman ko ay alam kong totoo. Hindi ko alam kung paano ko susuklian ang wagas na pagmamahal niya sa akin. Wala rin ako pinagsisisihan sa pagtrato ko sa kanya, dahil pinakita ko sa kanya kung ano ang nararamdaman ko ng mga panahong iyon. Pinakita ko, bago pa maubos ang panahon. Ang hiling ko na lang, sana maintindihan niya ngayong nagdesisyon na ako para sa sarili ko. Mananahimik na muna ako, magpapakatatag. Gusto ko tumayo ngayon ng mag-isa. Alam kong hahanapin ko rin naman siya. maging ang mga magulang niya at kaibigan na tinatanggap din ako ng buong buo. Lahat ng pinagsamahan namin ay hindi ko makakalimutan. Sa lahat ng nangyari, sobrang ipinagpapasalamat ko iyon. Manalo o matalo sa sugal na ito, walang dapat pagsisishan. At hanggang sa huli, ang sasabihin ko pa rin ay maswerte ako sa kanya, sobra!




"I believe that everything happens for a reason. People change so that you can learn to let go, things go wrong so that you appreciate them when they're right, you believe lies so you eventually learn to trust no one but yourself, and sometimes good things fall apart so better things can fall together." – Marilyn Monroe




...THE END...